Paggamit ng Espiya
1. Sabi ni Sun Tzu: malaki ang gastos para sa Estado, at malaki ang nawawala sa taongbayan ang pagtayo ng isang puwersa ng isangdaanglibong katao at ang pagmartsahin sila nang malayo. Iilang libong onsa na pilak ang gagastusin araw-araw. Magkakagulo sa loob at labas ng bayan, at maraming konsumidong hihimatayin sa kalye. Iilang daang libong pamilyang mahahadlangan sa kanilang hanapbuhay.
2. Maaring iilang taong magkakaharap ang dalawang puwersang magkakaaway na kapwang nagsusumikap manalo, pero sa isang araw lang ito makakamtan. Dahil ganoon, hindi makatao ang maging ignorante sa kalagayan ng kaaway dahil sa ayaw lang gumastos ng sandaang unsa na pilak bilang bayad sa espiya.
3. Ang gumagawa ng ganoon, hindi heneral, inutil sa kanyang pinuno, at hindi marunong manalo.
4. Kaya ang mauna sa nalalaman ang nagbibigay ng kakayahan sa tusong pinuno at mabuting heneral upang matamaan at masagupa ang kaaway.
5. Hindi makukuha itong nalalaman sa panghuhula; hindi rin ito maibabase sa experiyensiya o sa anumang kalkulasyon.
6. Sa ibang tao mo lang malalaman ang disposisyon ng kaaway.
7. Kaya gumagamit tayo ng espiya, na may limang uring natatangi: (1) espiyang pampook; (2) espiyang tagaloob; (3) espiyang ibinaligtad (4) espiyang patay; (5) espiyang buhay.
8. Kapag umiiral itong limang uri ng espiya, walang makakatuklas sa sekretong sistema. Heto ang itinatawag na banal na pagpapatakbo at pagiimpluwensiya. Heto ang pinakamahalagang kakayahan ng isang pinuno.
9. Ang mga espiyang pampook, galing sa mga nakatira sa isang teritoryo.
10. Ang mga espiyang tagaloob, galing sa mga opisyal ng kalaban.
11. Ang mga espiyang ibinaligtad, galing sa mga espiya ng kalaban na nadakip at naibaligtad para pakinabangan.
12. Mga espiyang patay, lantad na may ginagawa para malito ang kaaway at ibinibisto ng mga espiya natin mismo sa kalaban.
13. Mga espiyang buhay, nagdadala ng balita galing sa kampo ng kalaban.
14. Kaya dapat alagaan at bantayan ng mabuti ang mga espiya, at bayaran ng mabuti. Maging malihim ka ng husto sa pamamalakad ng mga espiya.
15. Hindi mapapakinabangan ang mga espiya kung hindi ka marunong kumilatis at makiramdam.
16. Hindi mo sila mahahawakan kung hindi ka makatao at matuwid.
17. Kung hindi ka tuso, hindi mo malalaman kung gaanong katotoo iyong mga iniuulat nila.
18. Gamitin mo ang iyong mga espiya para sa iba’t-ibang bagay.
19. Kapag ibinisto ng isang espiya ang isang balitang sekreto habang hindi pa tamang panahon, dapat siyang patayin kasama ng nasibihan ng sekretong ito.
20. Kung ang layunin ay wasakin ang isang puwersa, lusubin ang isang siyudad, o kaya patayin ang isang tao, alamin palagi ang mga pangalan ng mga alalay, mga adyutante, mga nasa pinto at tagabantay ng heneral na namumuno. Dapat iutos sa mga espiya na siguraduhin ang mga ito.
21. Dapat hanapin ang mga espiya ng kalaban na pumunta sa atin para usisahin tayo, painan, kuhanin at bahayin ng komportable. Sa ganoon, magiging espiyang ibinaligtad sila na handang sumilbi sa atin.
22. Gawa ng inpormasyon na dala ng espiyang ibinaligtad, makakakuha tayo ng mga espiyang pampook at espiyang tagaloob.
23. Gawa rin ng inpormasyon niya, magagamit natin ang espiyang patay para magdala ng maling balita sa kalaban.
24. Sa bandang huli, mapapakinabangan ang espiyang buhay sa nararapat na panahon.
25. Ang layunin ng limang uri ng pag-espiya ay kaalaman tungkol sa kalaban, at ang espiyang ibinaligtad ang unang makakapagbigay ng inpormasyon na ganito sa atin. Kaya dapat pagbigyan ng husto ang espiyang ibinaligtad.
26. Noong araw, umangat ang Yin dynasty gawa ni I Chih na trumaidor sa mga Hsia. Umangat din ang Chou dynasty gawa ni Lu Ya na doon sa mga Yin nagtatrabaho.
27. Kaya pakikinabangan ng isang pinunong na marunong at ng heneral na tuso ang mga pinakamatalino sa puwersa para sa pag-espiya para makakamit ng napakabuting resulta. Napakahalaga ng mga espiya sa tubig, dahil sa kanila nagdedepende kung makakilos ang puwersa.
Irineo B. R. Salazar, München, 5. October 2015