Puntong Mahina at Malakas
1. Sabi ni Sun Tzu: kung sino ang mauna para abangan ang kalaban, hindi pagod pagdating ng laban; kung sino ang pangalawang dumating, pagod.
2. Kaya ang tusong mandirigma, ipinipilit ang kanyang gusto sa kalaban, pero hindi siya pumapayag na ipilit ng kalaban ang kanyang gustong mangyari.
3. Maari niyang mapilitan ang kalabang lumapit sa kanya kung pakitaan niya ang kalaban ng mapapakinabangan niya, o kaya’y mapipinsalaan niya ang kalaban para hindi ito makalapit.
4. Kung nagpapahinga ang kalaban, maari niyang lusubin; kung may sapat siyang pagkain, gutumin niya, kung nananahimik siya sa kampo, pilitin niyang kumilos.
5. Sumulpot ka kung saan kailangang mag-apura ang kalaban para ipagtanggol ang lugar na ito; pumunta ka ng mabilis doon kung saan ka hindi inaasahan.
6. Makakapagmartitsya ang isang army ng malayo na walang pagkabahala kung dadaan ito sa mga lugar na walang kalaban.
7. Masisigurado mo lang ang iyong tagumpay kung doon ka lulusob sa lugar na walang depensa. Sigurado lang ang depensa mo kung nasa lugar ka na hindi ka malulusob.
8. Kaya magaling sa atake ang isang heneral na may kalabang hindi marunong dumepensa; magaling sa depensa iyong may kalaban na hindi marunong lumusob.
9. Matuto sa kasanayan ng pagkatuso at pagkasekreto! Kung hindi ka makita o marinig, hawak mo ang kapalaran ng kalaban.
10. Kung umabante ka sa mahinang punto ng kalaban, hindi ka mapipigil; makakatakas ka at makakaligtas ka sa paghabol ng kalaban kung mas mabilis ka sa kanya.
11. Kung ninanais nating lumaban, mapipilit natin ang kaaway kahit nasa likod siya ng isang mataas na tanggulan at malalim na kanal. Kailangan lang nating atakehin ang ibang lugar para suportahan niya.
12. Kung ayaw nating lumaban, maari nating pigilin ang kalabang sumagupa sa atin kahit nakaguhit lang sa lupa ang hangganan ng ating kampo. Kailangan lang nating gumawa ng isang bagay na kakaiba at hindi maipaliwanag.
13. Kung alam natin ang disposisyon ng kaaway, tapos tayo hindi niya makita, tutok ang ating mga puwersa, iyong mga puwersa ng kalaban magiging magulo.
14. Magkakaisa ang mga pangkat natin, samantalang ang kalaban dapat mahati-hati. Kung isang kabuuan ang lalaban sa puwersang watak-watak, para tayong marami, sila parang kokonti.
15. Kung sa ganoon malusob natin ang isang mas mahinang puwersa tapos tayo malakas, kawawa ang kalaban natin.
16. Hindi dapat maipagbatid ang lugar kung saan nating gustong lumaban; sa ganito, kailangan ng kaaway humanda sa isang maaring maging atake sa iba’t-ibang lugar; makakalat ang mga puwersa niya, kaya hindi ganyang karami ang mga haharapin natin sa anumang lugar na lulusubin natin.
17. Kung palalakasin ng kalaban ang kanyang harap, hihina siya sa likod, kung palalakasin niya ang kayang likod, hihina siya sa harap, kung palalakasin niya ang kaliwa, hihina siya sa kanan, kung palalakasin niya ang kanan, hihina siya sa kalawa. Kung magpadala siya ng pampalakas sa lahat ng lugar, mahina na siya kahit saan.
18. Mahina tayo sa dami kung napipilitan tayong maghanda ng paglusob kung saan-saan; malakas tayo sa dami kung mapilitang maghanda ang kaaway laban sa atin.
19. Kung alam natin ang lugar at oras ng darating na labanan, maaring sumali tayo sa laban kahit galing sa malayo.
20. Kung hindi natin alam ang lugar o oras, hindi makakatulong ang kaliwang panig sa kanan, hindi rin makakatulong ang kanang panig sa kaliwa, hindi matutulungan ng harap ang likod, at hindi rin matutulungan ng mga nasa likod iyong mga nasa harap. Ano pa kaya kung magkalayo masyado ang mga iba’t-ibang bahagi ng army!
21. Kahit mas marami ang mga sundalo ng Yueh sa mga sundalo natin, hindi sila nakakalamang. Tayo ang mananalo.
22. Kahit mas marami ang kalaban, mapipigil natin sila sa paglusob. Mag-intriga para malaman ang kanyang plano at kung gaanong ka-probableng magtatagumpay ang mga ito.
23. Asarin ang kalaban para malaman kung paano siya kumilos o hindi. Pilitin mo siyang magpakita para malaman kung saan siya madaling tamaan.
24. Ikumpara mo ng mabuti ang puwersa ng kalaban sa puwersa mo, para malaman mo kung saan malakas at mahina ang dalawa.
25. Pinakamaganda kung itago mo ang iyong mga disposisyon sa taktika, para ligtas ka sa pagkalkal ng pinakatusong espiya, pati na rin sa pakana ng mga pinakasanay na utak.
26. Kung paano makakamtan ang tagumpay mula sa taktika ng kalaban mismo – iyon ang hindi maintindihan ng karamihan.
27. Lahat ng tao, makikita ang taktika kung paano ako sumakop, pero walang makakita sa estratehiyang tinutubuan ng tagumpay.
28. Huwag mong ulitin ang taktikang nagbigay sa iyo ng isang tagumpay, bagayin mo sa paiba-ibang sitwasyon ang iyong deskarte.
29. Parang tubig ang mga taktikang militar; pagkat ang tubig sa natural niyang pinagdadaanan, pababa umaagos mula sa itaas.
30. Kaya sa gyera, iwasan ang malakas at lumusob sa mahina.
31. Ang tubig, bumabagay ng kanyang agos depende sa lupang dinadaanan niya; ang sundalo naman, ibinabagay niya ang kanyang paraang magtagumpay depende sa kaharap niyang kalaban.
32. Samakatwid, tulad ng tubig na walang permanenteng hugis, walang permanenteng kondisyon sa gyera.
33. Ang marunong magbago sa kanyang taktika depende sa kanyang kalaban at sa ganito manalo, masasabing isang pinunong hulog ng langit.
34. Sa limang elemento – tubig, apoy, kahoy, bakal at lupa – paiba-iba ang nangingibabaw, papalit-palit din ang panahon. May mga araw na mahaba at maikli, paiba-iba ang anyo ng buwan.
Irineo B. R. Salazar, München, 25. June 2015