sa magiging resulta ng botohan. Akong nasa abroad nag-oobserba lamang at nagbibigay ng mungkahi. Tignan natin ang huling survey.
Unahin ko ang Senado dahil sila ang mga mambabatas. Ayon sa Wikipedia heto ang mga Senador na matutuloy sa pagsisilbi hanggang 2019 (link):
- Sonny Angara
- Bam Aquino
- Nancy Binay
- Alan Peter Cayetano (tumatakbo rin para maging VP)
- JV Ejercito
- Chiz Escudero (tumatakbo rin para maging VP)
- Gregorio Honasan (tumatakbo rin para maging VP)
- Loren Legarda
- Aquilino Pimentel III
- Grace Poe (tumatakbo rin para maging Presidente)
- Antonio Trillanes IV (tumatakbo rin para maging VP)
- Cynthia Villar
Senatorial candidates
Ngayon tignan natin ang huling Survey ng SWS na meron nang ranking ng mga kandidato para sa Senado (link):
- Franklin Drilon
- Kiko Pangilinan
- Vicente Sotto
- Ralph Recto
- Risa Hontiveros
- Panfilo Lacson
- Dick Gordon
- Leila De Lima
- Migz Zubiri
Halos magkapantay ang mga resulta ng mga susunod kaya hindi ko sila iraranking:
- Win Gatchalian
- Sergio Osmeña III
- Manny Pacquiao
- Joel Villanueva
- Isko Moreno Domagoso
- TG Guingona
- Edu Manzano
12-14 ang mapupunta sa Senado depende sa resulta ng Presidential/VP election.
Presidential/VP candidates
Tignan natin ang mga resulta para sa Presidente at VP magmula sa huling survey ng SWS. Presidente muna:
- Grace Poe (35%)
- Rodrigo Duterte (26%)
- Jejomar Binay (18%)
- Mar Roxas (17%)
- Miriam Santiago (2%)
Sa Vice-President naman, heto ang mga resulta ng SWS survey:
- Chiz Escudero (30%)
- Bongbong Marcos (28%)
- Leni Robredo (23%)
- Alan Cayetano (11%)
- Antonio Trillanes (4%)
- Gringo Honasan (2%)
Maliwanag ang trend. Sa isang demokrasya, kagustuhan ng taongbayan ang matutupad.
Anong puwedeng mangyari?
Si Trillanes, Honasan at Cayetano, malamang na nasa Senado pa rin. Si Grace Poe at si Escudero baka hindi na depende sa resulta. Tignan natin ang mga posibilidad:
- Kung manalo si Duterte, kaharap pa rin niya sa Senado si Grace Poe. At si Trillanes na parang bulldog, pati sila Drilon, Pangilinan at Aquino. Hindi siya madaling makakapag-diktadura.
- Kung manalo si Grace Poe, kaharap pa rin niya sa Senado sila Drilon, Pangilinan at Trillanes. Pati na rin si Alan Cayetano at si Bam Aquino. Hindi oobra iyong mag-pelikula lang siya.
- Maaring katapat ni Leila de Lima si Duterte kung saka-sakali. Sila na naman. Si Villanueva gusto ko dahil sa TESDA na nakapagbigay na ng training para maraming mga trabahador.
Iyan ang maganda sa demokrasya. Meron mga checks and balances. Pero heto rin ang magiging resulta:
- Kahit si Duterte hindi basta-basta makakapag-deklara ng martial law. Baka ma-frustrate ang mga supporter niya kapag nakita nilang hindi mawala kaagad ang krimen sa Pilipinas. Pitong libong isla iyan hindi lang Davao. Susunod kaya sa kanya ang militar at pulis ngayon? Hindi ko alam.
- Kahit sino diyan hindi basta-basta maayos ang Metro Manila. Masyado na talagang maraming tao. Ang population density ng Maynila pinakamataas na SA BUONG MUNDO. Maliban siguro kung marami talagang papatayin si Duterte sa Maynila. Baka naman iyon ang sekreto niyang solusyon hindi natin alam.
- Ang maraming mahihirap sa Pilipinas hindi mawawala agad-agad. Iyong 4Ps maganda talaga dahil napipilitan silang magpa-aral ng mga anak. Iyong mga anak nila siguro hindi na mahirap. Unti-unting may mga napupuntang pabrika na Hapon at Aleman sa Pilipinas para may trabaho. Baka matakot ang mga investor – maliban sa China – kung si Duterte ang maging pangulo.
Kaya heto ang nakikita kong kinabukasan, depende sa Presidenteng uupo. Sa akin lang ito mula sa nakikita ko at napag-isipan ko:
- Si Duterte mahihirapan. Hindi gaanong aasenso ang Pilipinas at ang mga Pilipino. Baka patalikod pa ang maging pagbabago.
- Si Poe siguro OK lang. Tuloy ang pag-asenso, mas may mapupunta sa iilang mahirap. At sa bulsa ni Danding Cojuangco, kung saka-sakali.
- Si Binay ewan ko talaga. Baka ma-impeach lang iyan at masayang na naman ang panahon. Hindi siya titigilan ni Trillanes, tiyak ako doon.
- Si Mar posibleng mahirapan din. Kahit manalo pa iyan maraming kokontra sa kanya. Depende sa pagsuporta sa kanya ng Senado at Kongreso.
- Si Santiago malabo na talagang manalo. Matalino nga pero may sakit. Pagka sira-ulo iyong gawin niyang running mate si Bongbong Marcos.
Ang nakikita ko, parang mga bata ang iilang mga Pilipino. Umaasa na may liligtas sa kanila. May mga umasa kay Erap tapos nadismaya. Kay Arroyo ganoon din. Kay Noynoy. Ano ba iyan?
Ang responsableng tao, hindi pinagsisisihan ang kanyang desisyon. Ipinababahala ang kinabukasan sa iba tapos sinisisi. Ewan ko kung responsable na ang sambayanang Pilipino – bahala na!
Irineo B. R. Salazar, München, 27. March 2016