sa isa’t-isa o “solidarity” ay napakahalaga para hindi magkawatak-watak ang isang lipunan. Mahina ang solidarity ng Pilipino sa labas ng sariling angkan o KKK, kaya sa tingin ko hindi nagkakaroon ng kaginhawaan ang bansa. Ayon kay Manong Sonny nabubuo ito sa solidarity o pananagutan, subsidiarity o alam ng bawat isa ang kanyang tungkulin, at humanity o pagiging makatao (link). Pero doon muna tayo sa pananagutan sa isa’t-isa, tulad ng ikinakanta sa simbahan. Sa nakikita ko kulang ito sa Pilipino.
Noong bumisita ako sa Pilipinas noon 1986, kumakain kami ng goto sa labas ng iilang mga old friends. Iyong isa naming kasamahan inatras ang kanyang Pajero at muntik masagasaan ang isang mamang may kariton. WALANG pumansin. Ako lang, dahil iba na nakasanayan sa abroad.
Ugat siguro ng maraming problema sa Pilipinas itong kawalaan ng pagmamalasakit sa iba. Maraming nagalit sa gobyerno ni Aquino dahil puro GDP pero wala naman daw nakarating sa kanila. Pero maraming mga naghahanap ng pagbabago na handang baliwalain ang buhay ng mahihirap at naligaw ng landas sa krimen, imbes na tulungan silang mapunta sa mas magandang kabuhayan. Mahirap ang mentalidad ng hanggang “basta ako/kami okey” lang dahil nasisira ang lipunan sa ganyan. Basta ako OK magtatapon lang ang ko ng basura kung saan, o magbibigay ng lagay para maareglo ang gusto?
Sinulat ni Karl Garcia na sa barangay at LGU nagsisimula ang solidarity (link). Siguro doon dapat magsimula dahil para sa bansa kulang pa. Aksidente ang Pilipinas kaya ganoon (link).
Meron na ring mga pambansang grupo o kilusan na iba-iba ang pananaw at hangarin para sa Pilipinas – mga “dilaw” o RoRo at mga “pula” o Dutertista halos salungat ang gusto para sa bansa. Wala pang mga tunay na partidongbayan tulad ng mga Republicans at Democrats sa USA, o kaya Conservative at Labor sa UK. Partidongbayan na organisado hanggat sa bawa’t sulok ng bansa na dinadala ng taongbayan at hindi ng dynastic families. At bukod pa rito, may competition pero alam ng lahat na sa bandang huli, nasa iisang bansa sila. Tignan natin ang mga susunod na taon.
Irineo B. R. Salazar, München, 8 ng Mayo 2016