Paiba-ibang Taktika
Maaring makalaban natin ang Tsina balang araw. Kaya hindi makakasama kung pag-aralan natin ang naisulat ng pinakamagaling nilang manunulat tungkol sa gyera noong halos tatlong libong taon na nakaraan. Pag-isipan natin ng mabuti kung saan ito magagamit, at maging aral din sa atin ang mga iilang pagkakamali ng nakaraan.
1. Sabi ni Sun Tzu: sa gyera, tinatanggap ng pinuno ang kanyang mga utos mula sa Pinunong-Bayan. Ipinagkukumpol-kumpol niya ang kanyang army at pinagsasama-sama niya ang kanyang mga puwersa.
2. Sa alanganin na lugar, huwag kang magtayo ng kampo. Kung saan nagtatawid ang matataas na daan, makipag-ugnay ka sa iyong mga kakampi. Huwag kang tumagal sa lugar na alanganin. Kapag hindi ka makalabas, gumamit ka ng deskarte. Sa desperadong sitwasyon, lumaban ka.
3. May mga daan na hindi dapat sundan, army na hindi dapat atakehin, kuta na hindi dapat sagupain, lugar na hindi dapat ipagtanggol, at utos ng Pinunong-Bayan na hindi dapat sundan.
4. Ang Heneral na alam kung paano pakinabangan ang paiba-ibang taktika, marunong humawak sa kanyang tropa.
5. Ang Heneral na hindi nakakaintindi rito, hindi magagamit sa aktuwal ang kanyang nalalaman, kahit kabisado niya ang lugar.
6. Kaya ang nag-aaral sa gyera na hindi marunong magpalit-palit ng taktika, kahit marunong siyang lumamang, hindi mapapakinabangan ng husto ang kanyang mga sundalo.
7. Kaya sa mga plano ng isang lider na tuso, naitimpla na ang mga konsiderasyon tungkol sa pagkalamang at pagkalugi.
8. Kung ganyan ang pagtimpla ng ating inaasahang pagkalamang, maaring makamit natin ang mahalagang parte ng ating ipinaplano.
9. Kung sa gitna na kahirapan, handa nating samantalahin ang isang pagkakataon, maaring makalabas tayo sa masamang sitwasyon.
10. Pinsalaan mo ang mga pinuno ng kalaban para mabawasan sila; gumawa ka ng gulo para lagi silang naaabala, painin mo sila para pumunta sila sa lugar na gusto mo.
11. Maliwanag sa kasanayan sa gyera na huwag tayong umasang hindi darating ang kalaban, pero umasa tayo sa ating pagkahandang sumalubong sa kanya; huwag tayong umasa na hindi siya lulusob, doon tayo umasa na hindi niya tayo masasagupa.
12. Lima ang mga delikadong pagkukulang na makaka-apekto sa isang heneral: (1) kawalaan ng ingat, na makakawasak sa sarili (2) pagkaduwag, na mapupunta sa pagkabihag (3) sobrang init ng ulo na madaling mainsulto (4) sobrang delicadeza na masyadong sensitibo sa hiya (5) sobrang bait sa kanyang mga tauhan, na magbibigay lang sa kanya ng sakit ng ulo.
13. Eto ang limang malaking pagkukulang ng isang heneral, na makakasira sa pamamalakad ng gyera.
14. Kung matalo ang isang puwersa at mapatay ang kanyang pinuno, isa sa limang mga pagkukulang na ito ang tiyak na dahilan. Pag-isipan ito ng mabuti.
Irineo B. R. Salazar, München, 5. July 2015